Friday, 26 October 2012

Ang Kabihasnang Tsino sa Asya


Mga Layunin
1. Nasusuri ang pasimula at pagsulong ng kabihasnang Tsino sa Asya;
2. Natatalakay ang heograpiya ng lugar kung saan umusbong ang   kabihasnang Tsino;
3. Naipaliliwanag ang kahalagahan ng Huang Ho sa kasaysayan ng China;
4. Naipaliliwanag ang mga kaisipang umusbong sa dinastiyang Zhou;
5. Nasusuri ang mahahalagang kaganapan sa ilalim ng dinastiyang Han; at
6. Naipaliliwanag ang pagtatatag ng imperyong China.

   Ang kabihasnang umusbong sa China ay itinuturing na pinakamatandang kabihasnang nananatili sa buong daigdig hanggang sa kasalukuyan. Ito ay maiuugat halos apat na milenyo na ang nakalilipas. Mula pa man noong unang panahon, ang pagkakaroon ng isang mahusay na pamamahala ang nagging mithiin ng mga Tsino. Ang pagkakaroon ng mga ideolohiyang suportado ng estado, particular ang Confucianism at Taoism, ay lalo pang nagpatatag sa kabihasnang Tsino. Sa aspetong pulitikal, ang China ay halinhinang nakaranas ng pagkakaisa at pagkakawatak-watak. Ang pagpasok ng mga impluwensyang dayuhan sa China ay nalagom at napailalim lamang sa pagkakakilanlan ng mga Tsino. Ang mga kaganapang ito ang humubog sa kultura at tao ng bansa sa makabagong panahon.
Heograpiya ng China
   Tulad ng mga unang sibilisasyon sa Mesopotamia at India, ang kabihasnan sa China ay umusbong  sa tabing-ilog, malapit sa Yellow River o Huang Ho. Ang ilog na ito ay nagmumula sa kabundukan ng kanlurang China at may habang halos 3,000 milya. Ito ay dumadaloy sa Yellow Sea.
Yellow River o Huang Ho

North China Plainisang malawak na kapatagan na nabuo dahil sa pagbabago-bago ng dinaraanan ng ilog na Huang Ho.
North China Plain
  
   Katulad ng Nile River, ang pag-apaw ng Huang Ho ay nagdudulot ng pataba sa lupa. Sa kasamaang-palad, dahil sa pagiging patag ng North China Plain, madalas ang nagaganap na mga pagbaha sa lugar na ito.
Xia o Hsia – ayon sa isang alamat, ito ang kauna-unahang    
                        dinastiyang nangibabaw sa China.Ito ay                pinasimulan ni Yu noong 2000 B.C.E
Yu – pinaniniwalaang siya ang nakagawa ng isang paraan upang makontrol ang pagbahang idinudulot ng Huang Ho.

   Ang pangyayaring ito ay nagbigay-daan upang makapamuhay ang mga magsasaka sa lambak. Naniniwala ang mga Tsino na sila lamang ang mga sibilisadong tao sa gitna ng mga tribu ng mga barbaro. Dahil dito, tinawag nila ang kanilang lupain bilang
             Zhongguo – na nangangahulugang Middle Kingdom

Question
Ano ang kahalagahan ng Huang Ho sa kasaysayan ng China?
Answer
Ang kahalagahan ng Huang Ho sa kasaysayan ng China ay dito umusbong ang kabihasnan ng China.



Friday, 14 September 2012

Ang Kabihasnang Indus sa Asya

Mga Layunin
1.    Nasusuri ang pagsulong ng unang kabihasnang Indus sa Asya;
2.    Nasusuri ang kapaligiran ng lugar kung saan umusbong ang kabihasnang Indus;
3.    Naipaliliwanag ang kahalagahan ng Indus River sa sinaunang kabihasnang umusbong sa India;
4.    Naipaliliwanag ang sistemang caste sa India; at
5.    Naipaliliwanag kung bakit itinuturing na mahusay na pinuno ng Imperyong Maurya sa Asoka.
Timog Asya Map
   Ang Timog Asya ay isang malawak na tangway na hugis tatsulok. Sa sinaunang panahon, ang Timog Asya ay tumutukoy sa subkontinente ng India.
Sa ngayon, binubuo ito ng maraming bansa, kabilang ang
·       India
·       Pakistan
·       Bangladesh
·       Afghanistan
·       Bhutan
·       Sri Lanka
·       Nepal at
·       Maldives
Ang rehiyong ito ay kakaiba sa aspetong heograpikal at kultural kung ihahambing sa ibang panig ng Asya. Dahil dito, madalas ding tawagin ang lugar na ito bilang subkontinente ng India. Kahit pa ang rehiyong ito ay nahihiwalay sa Silangang Asya dahil sa Himalayas.
   Sinasabing mahirap lubusang mabatid ang matandang kasaysayan ng India lalo pa’t ang malaking bahagi nito ay hindi itinala ng mga sinaunang Indian. Maaaring makahukay ang mga arkeologo ng mga kasangkapang ginamit ng mga sinaunang Indian subalit hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nauunawaan ng mga iskolar ang mga naiwang sistema ng pagsulat ng matandang kabihasnan ng India.


Heograpiya ng India

Mga labi ng Mohenjo-Daro

Mga labi ng Harappa
   Ang mga lungsod sa lambak ng Indus ang pinakabagong tuklas na mga sinaunang sentrong kabihasnan sa kasalukuyang panahon. Ang mga labi ng dalawang lungsod sa Indus River ay natagpuan ng mga arkeologo noong dekada 1920, ang lungsod na Mohenjo-Daro at Harappa. Ang mga lugar na ito, gayundin ang lipunang nabuo rito, ay kasabay halos ng pag-usbong ng Sumer noong 3000 B.C.E.
   Ang lupain sa Indus ay mas malawak kung ihahambing sa sinaunang Egypt at Mesopotamia sapagkat sakop nito ang malaking bahagi ng hilagang-kanluran ng dating India at ang lupain kung saan matatagpuan ang Pakistan sa kasalukuyan. Sa kasalukuyan, tinatayang mahigit sa 1000 lungsod at pamayanan ang natatagpuan dito, particular sa rehiyon ng Indus River sa Pakistan.

Indus River – sa baybayin na ito umusbong ang kabihasnan sa
                          India.
   Ang tubig ng ilog dito ay nagmumula sa malayelong kabundukan ng Himalayas sa katimugang Tibet. Ito ay may habang 1000 milya na bumabagtas sa Kashmir patungong kapatagan ng Pakistan.

   Katulad sa Mesopotamia, ang pagkakaroon ng matabang lupa ay nagging mahalaga sa pagsisimula ng mga lipunan at estado sa sinaunang India. Sa pagitan ng Hunyo at Setyembre bawat taon, ang pag-apaw ng ilog ay nagdudulot ng pataba sa lupa at nagbibigay-daan upang malinang ang lupain.
   Daang-daang pamayanan ang matatagpuan sa lambak-kapatagan ng Indus sa pagsapit ng 3000 B.C.E. ang karamihan sa mga ito ay maliliit na pamayanang may tanggulan at may maayos na mga kalsada. Sa sumunod na limang siglo, nagkaroon din ng mga kanal pang-irigasyon at mga istrukturang pumipigil sa mga pagbaha.

Pari – ang mga pangunahing namumuno sa lipunan at 
            nagsisilbing tagapamagitan sa tao at kanilang mga diyos.

   Kapuna-punang wala ni isa mang pinuno mula sa sinaunang kabihasnang Indus ang kilala sa kasalukuyan. Ito ay dahil sa wala itong iniwang mga tala at larawan at tila hindi nangailangang ipagmalaki ang kanilang mga ginawa. Isa pang katakataka ay ang kawalan ng mga naiwang monument o istruktura mula sa sinaunang India na maaaring maihalintulad sa zigurrat ng Mesopotamia at pyramid ng Egypt.
   Sa kasalukuyan, ang India ay isa lamang sa mga bansa sa Timog Asya. Subalit kung susuriin, ang buong tangway ay tahanan at pinag-usbungan ng sinaunang kabihasnang namumukod-tangi sa iba.


Ang Kabihasnang Harappa (2700 B.C.E – 1500 B.C.E.)

   Ang kabihasnan ng Harappa ay hango sa matandang lungsod ng Harappa na natuklasan sa Lambak Indus at tinatayang umusbong noong 2700 B.C.E.

Harappa – ay matatagpuan sa kasalukuyang Punjab na bahagi
                      ng Pakistan.
   Sa kabilang dako, ang
Mohenjo-Daro – ay nasa katimugang bahagi ng daluyan ng
                               Indus River.

   Ang bawat lungsod na ito ay may sukat na halos isang milya kwadrado at tinatayang may halos 40,000 katao. Maayos ang mga lungsod na ito sapagkat planado at malalapad ang mga kalsada. Ang mga gusali ay hugis-parisukat at mga kabahayan ay may malawak na espasyo. Ang ilang mga kabahayan dito ay may ikalawang palapag.

   Ang pagkakaroon ng mga palikuran ng mga kabahayan ay itinuturing na kauna-unahang paggamit ng sistemang alkantarilya o sewer system sa kasaysayan.

   Ang unang Harappan ay nanirahan sa maliliit na pamayanan. Ang kanilang lugar ay matatagpuan sa mababang bahagi ng lupain, may mainit na klima, at wala halos mapagkukunan ng suplay ng bakal. Sa loob ng ilang libong taon, ang mga magsasakang Harappan ay nakakakuha ng mga bakal, mamahaaling bato at tabla sa pamamagitan ng pakikipagpalitan ng kanilang mga produkto tulad ng bulak, mga butyl at tela.

   Ang irigasyon ng lupa ay mahalaga sa pagsasaka ng mga Harappan. Sila ay nag-aalaga ng mga hayop tulad ng elepante, tupa at kambing. Maaaring sila rin ang mga kauna-unahang taong nagtanim ng bulak at nakalikha ng damit mula rito.

   Ang lipunang Harappan ay kinakitaan ng malinaw na pagpapangkat-pangkat ng mga tao. Ang ganitong dibisyon sa lipunan ay mananatili sa India hanggang sa kontemporaryong panahon.

   Ang mga Harappan ay natatag ng mga daungan sa Arabian Sea at ang mga mangangalakal ay naglakbay sa mga baybayin patungong Persian Gulf upang dalhin ang kanilang mga produkto tulad ng telang yari sa bulak, mga butil, turquoise at ivory. Ang ilang mga selyong Harappan ay natagpuan sa Sumer. Ang mga selyong (seal) ito ay may pictogram para kilalanin ang mga paninda.

   Narating ng mga Harappan ang tugatog ng kanilang kabihasnan noong 2000 B.C.E., kasabay halos ng pagsisimula ng New Kingdom sa Egypt. Subalit matapos ang isang milenyong pamamayani sa Indus, ang kabihasnan at kulturang umusbong dito ay nagsimulang humina at bumagsak. Ang Mohenjo-Daro ay nilisan ng mga tao dahil sa panganib na dulot ng mga sumalakay na tribu. Ang Harappan, na 350 milya ang layo mula sa Mohenjo-Daro pahilaga, ay nasira dahil sa kagyat na pagsalakay ng mga Aryan noong 1500 B.C.E.

   Ang mga Aryan ay pinaniniwalaan nagmula sa mga steppe ng Asya sa kanluran ng Hindu Kush at nakarating sa Timog Asya sa pamamagitan ng mga makikipot na daanan sa kabundukan. Sila ay mas matatangkad at mas mapuputi kung ihahambing sa mga naunang tao sa lambak ng Indus. Hindi nagawang masupil ng mga taga-Harappa ang tapang ng mga Aryan kung kaya’t ang karamihan sa kanila ay nagtungo sa katimugang bahagi ng India. Samantala, ang mga naiwan ay naging alipin. Sa kabila nito, ang ilan sa mga salik ng kanilang kabihasnan ay nanatili at naging bahagi ng pamumuhay ng mga Aryan.

Question
Ano ang naging dahilan ng pag-bagsak ng matatandang lungsod ng India?
Answer
Ang dahilan ng pag-bagsak ng matatandang lungsod ng India ay ang pag salakay ng ilang tribu at ang pag salakay ng mga Aryan noong 1500 B.C.E.


Ang Panahong Vedic (1500 B.C.E. – 500 B.C.E.)

   Ang mga Aryan ay nagtungo pakanluran sa Europa at patimog-silangan sa Persia at India. Sa mga rehiyong ito nila dinala ang wikang ngayon ay tinatawag na
Indo-Europeanang makabagong wika tulad ng Hindi at 
                                Bengali ay nag-ugat dito.
Samantala, dinala nila sa India ang 
Sanskrit – ang wikang klasikal ng panitikang Indian.

Arya – ang salitang ito ay isang terminong linguistic.
              Sa kalaunan, ang katagang ito ay ginamit upang 
              tukuyin ang mga pangkat ng tao o lahi.
           – ay nangangahulugang “marangal” o “puro” sa wikang
              Sanskrit.    

   Ang kaalaman ukol sa unang milenyong pamamalagi at pamamayani ng mga Aryan sa hilaga at hilagang-kanlurang India ay hango sa apat na sagradong aklat na tinatawag na Vedas.

Vedas – ay isang tinipong akda ng mga himnong pandigma, 
               mga sagradong ritwal, mga sawikain at salaysay. 
   Masasaksihan sa Vedas kung paano namuhay ang mga Aryan mula sa pagitan ng 1500 B.C.E. hanggang 500 B.C.E.. Ang mga panahong ito ay tinatawag din bilang Panahong Vedic.

   Dinala ng mga Aryan ang kanilang mga diyos (na kadalasa’y mga lalaki at mapandigma) at kulturang pinangingibawan ng mga lalaki. Ang kanilang kaparaanan ay unti-unting umangkop sa mga diyosa at kultura ng sinaunang India. Sa pagsapit ng 1100 B.C.E., tuluyang nasakop ng mga Aryan ang hilagang bahagi ng India.

   Ang lipunan ng mga sinaunang Aryan ay mayroon lamang tatlong antas;
·       ang mga maharlikang mandirigma
·       mga pari; at
·       mga pangkaraniwang mamamayan

   Kapansin-pansing ang bawat kasapi ay maaaring makalipat patungo sa ibang antas ng lipunan. Ang isang mandirigma ay pinipili upang pamunuan at pangasiwaan ang pang-araw-araw na pamumuhay ng mga tao.
  
   Subalit ang kanilang pagsakop sa lambak ng Indus ay nagdulot ng malaking pagbabago sa kanilang pamumuhay. Ang kanilang lipunan ay naging mahigpit at masalimuot nang lumaon. Nagkaroon ng pagtatatag ng maliliit na imperyo samantalang ang pagiging pinuno ay nagsimulang mamana.

   Sa pagtatapos ng Panahong Vedic, naging mas makapangyarihan din ang mga kaparian kung ihahambing sa mga mandirigma. Ito ay dahil sa naging mahalaga ang kaayusang itinuturo ng kanilang paniniwala ukol sa mga tao at mga diyos. Mahalaga ang mga ritwal at sakripisyo upang hindi mawasak ang kaayusan sa kalawakan.

   Nang lumaon, nabuo ang tinatawag na sistemang caste sa India. Ang katagang ito ay unang ginamit ng mga Portuguese na nakarating sa India noong ika-16 na siglo.

Caste – ang terminong ito ay hango sa salitang casta na
                nangangahulugangangkan”.

Antas ng tao sa lipunan
1.    Brahmin (brak’-min) – mga kaparian
2.    Kshatriya (ksha-tri-yaz) – mga mandirigma
3.    Vaisya (vi-shyas) – ang mga pangkaraniwang mamamayan na
                                      maaaring mga mangangalakal, artisano,
                                        magsasaka  at iba pa;
4.    Sudra (shoo’-draz) – pinakamababang uri sa lipunan na
                                        maaaring ang mga nasakop na mga 
                                        Indian at maging ang mga inanak
                                        inapo ng Aryan na nakapag-asawa ng 
                                        hindi Aryan.
   Maliban pa rito, meron din isang antas na tinatawag na
outcaste o mga untouchable – isang malaking pangkat ng mga 
                                                        tao na tinuturing  nilang hindi 
                                                        kabilang sa lipunan. 
                                                     - Sila ang pinakamababa sa mga 
      antas ng tao.
-         Ilan sa mga Gawain ng mga taong kasapi rito ay ang paglilinis ng kalsada, pagsusunog ng mga patay at pagbitay sa mga kriminal.
-         Ang mga trabahong ito ay itinuturing nilang pinakamababa sa lipunan.

Question
Ipaliwanag ang sistemang caste ng India.
Answer
Ang sistemang caste ng India ay ang pag-aantas-antas ng mga tao sa lipunan.